Miyembro ng Aegis Juris na isinasangkot sa kaso ni Castillo, handa nang lumutang

Image from Times of News

MAYNILA, Pilipinas  –  Handa nang lumutang sa publiko at makipagtulungan sa imbestigasyon ang ilang miyembro ng Aegis Juris fraternity; ito ay ayon mismo sa pahayag ng grupo.

Ginawa ng Aegis Juris ang naturang pahayag matapos magpalabas ng Immigration lookout bulletin ang Department of Justice (DOJ) laban sa 16 na miyembro ng fraternity habang inimbestigahan ang pagkamatay ni Horacio Tomas Castillo, ang 22-anyos na Law student ng University of Santo Tomas (UST) na namatay sa hazing.

“Our steadfast efforts to convince our brods to submit themselves to investigation bore fruition as they express their willingness to appear and submit to investigation,” anang Aegis Juris.

Magugunitang nagpalabas ng lookout bulletin ang DOJ laban kina Arvin R. Balag, Mhin Wei Chan, Marc Anthony Ventura,  Axel Mundo Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Jason Adolfo Robiños, Ralph Trangia, Ranie Rafael Santiago, Danielle Hans Mattew Rodrigo, Carl Mattew Villanueva, Aeron Salientes, Marcelino Bagtang, Zimon Padro, Jose Miguel Salamat at John Paul Solano; pawang mga miyembro ng fraternity.

Tatlo ang itinuturing na ‘principal suspect’ sa kaso – sina John Paul Solano at mag-amang Ralph at Antonio Trangia – na pinaghahahanap na ngayon ng mga awtoridad.

Subalit nitong Huwebes, napag-alamang nakalabas na ng bansa si Ralph Tangia  sakay  ng Eva Air Flight BR262 patungong Taiwan noong Martes; isang araw bago pa man mailabas ang lookout bulletin.

Nangako naman ang DOJ na ipapakansela nila ang pasaporte ni Trangia at hihingi ng tulong sa Interpol para mai-deport pabalik ng bansa ang suspek.