NCRPO: Walang stranded na mga protesters sa Batangas port

Balita DF Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Pinabulaanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kumakalat na balita na mayroong daan-daang pasahero ang na-stranded sa Batangas port na mula sa Visayas at Mindanao at sasali sana sa protesta nitong Huwebes, ika-21 ng Setyembre.

Ayon kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde, walang katotohanan ang balitang ito at normal lang ang sitwasyon sa pantalan ng Batangas.

“Sabi po ng ating mga report, normal lang naman po ang mga biyahe ng ating mga barko. Ang alam po nating andito na, matagal na, ay mga kapatid nating lumad na andiyan sa Quezon City Memorial Circle,” paliwanag ni Albayalde sa panayam ng ABS-CBN News.

Magugunitang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na paiimbestigahan niya ang natanggap na impormasyon tungkol sa umano’y 6 na barko na may lulang mga tao na hinakot mula sa Visayas at Mindanao para sumali sa gaganaping protesta ng oposisyon at mlitanteng grupo.

“Galing Mindanao at Visayas, expected natin iyan, kasi hirap sila kumuha ng tao sa Luzon area. Ang kinukuha nila ‘yung mga madaling mauto na native sa Mindanao,” ani Dela Rosa.

“Pati yung mga galing sa armadong NPA, hindi lang nagdadala ng armas pero sumasama sila sa rally, binabantayan natin nang husto,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, napag-alaman din ng ABS-CBN na ang larawang ikinakalat kasabay ng kuwentong may mga na-stranded na raliyista ay luma na pala at nangyari noong Typhoon Hagupit taong 2014.