‘P2B ang pera ni Duterte, ‘di P500K, hindi ito lumagda ng waiver noong 2016’ – Trillanes

File photo

At nagpapatuloy ang kanilang word war!

Hindi P500,000 kundi mahigit sa P2 bilyon umano ang perang pumasok sa accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bank of the Philippine Islands (BPI); ito ay ayon kay Senador Antonio Trillanes IV.

Hindi totoo ‘yan. Ang sa akin dito ang alegasyon ko mahigit P2 bil­yong piso ang pumasok sa mga bank accounts niya sa BPI,” ito ang tugon ni Trillanes makaraang sabihin ni Duterte na P500,000 lamang ang kanyang pera sa bangko.

Para kay Trillanes, upang pabulaanan ang kanyang alegasyon ay kailangang lumagda lamang ito ng waiver ngunit hindi naman aniya magawa sa kabila ng paulit-ulit na hamon.

 “Napakadali niyang i-disprove yan, pumirma siya ng waiver pero hanggang ngayon hindi niya hinaharap ‘yan,” ani Trillanes.

Ayon sa ulat ng Abante Tonite, hindi  sinang-ayunan ni Trillanes ang pahayag ng Pangulo na lumagda ito ng waiver na pumapayag siyang buksan ang kanyang mga accounts sa BPI.

Nagsisinungaling pa siya na last year pumirma na siya ng waiver, hindi po siya pumirma ng waiver for public disclosure,” ani Trillanes.

Ang pinirmahan niya is special power of attorney para sa kanyang abogado para ibigay ng bangko ang dokumento niya hindi para isiwalat sa taumbayan­. So mga kasinungalingan ­muli ito,” saad pa ng Senador.

Kamakailan lamang ay inihayag ng pangulo na ilalabas naman niya ang detalye ng diumano’y offshore bank accounts ni Trillanes.

Matatandaang inamin rin ni Duterte na sinadya niyang baguhin ang dalawang numero sa itinatagong Singapore account ni Trillanes at kumagat ito sa kanyang pain.