Pahinante ng truck, patay sa isang freak accident sa San Juan City

Image from Finger Lakes

Isang pahinante ng truck ang binawian ng buhay dahil sa isang pambihirang aksidente na naganap sa San Juan City nitong Miyerkules ng umaga, ika-13 ng Setyembre.

Ayon sa ulat ng GMA, ang nasawing pahinante ay kinilalang si Joven Taboso.

Tumilapon umano palabas ng truck na sinasakyan si Taboso matapos bumangga ang sasakyan sa center island sa Barangay Greenhills. Matapos bumangga ay tumagilid ang truck bago tuluyang natumba at nadaganan ang kaawa-awang si Taboso na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Salaysay ng driver ng truck na si John Mark Sospo, may iniwasan daw siyang isang pampasaherong jeepney kaya napilitan siyang kabigin ang manibela ng kanyang minamaneho, ngunit nawalan siya ng control kaya tumama ang truck sa center island.

Ayon pa kay Sospo, patungo sana sila sa palengke ng San Juan City upang mag-deliver ng mga karne nang maganap ang hindi inaasahang aksidente.