Panelo: Hindi pinupuntirya ni Sara Duterte na maging pangulo

Mga imahe mula sa Wiki pedia at Secretary Salvador Panelo FB page.

Kuwalipikado si Davao Mayor Sara Duterte para maging susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas ngunit hindi niya ito pinupuntirya, saad ni Presidential legal adviser Salvador Panelo noong Miyerkules, Setyembre 27, 2017.

Kamakailan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pinakakarapatdapat pumalit sa kanya sa puwesto ay si Sara. Ang anak niyang babae, saad ng pangulo, ay isang matatag na babaeng alam ang batas.

“Puwede siyang maging presidente, kung ako ang tatanungin mo,” sabi ni Panelo, hinggil sa isang artikulo ng GMA News.

Dagdag pa niya, kung si dating Pangulong Corazon Aquino nga raw na isang lamang maybahay ay naging pangulo, bakit naman daw hindi maaring mailuklok si Sara na isang mayor.

“Si Cory Aquino naging presidente, housewife lang, bakit naman ito… mayor, lawyer, hindi pupuwede?”  paliwanag niya.

Halos magkaugali silang mag-ama pero mas matindi ang ugali ni Sara kaysa sa kanyang ama, sabi ni Panelo.

“Ang sinasabi sa akin ng mga empleyado, mas istrikto si Ma’am [Sara] kaysa kay Sir [Pres. Duterte], mas matindi.”

Nilinaw naman ni Panelo na hindi nais ng alkalde ng Davao ang posisyon ng ama. Giit niya, hindi raw mahilig si Sara sa pulitika.

“Ako na magsasabi sa inyo, ayaw na ayaw niyang maging pulitiko. Pinilit lang talaga siya (Sara),” ani ng opisyal ng Palasyo.

“Ang sabi ni presidente, ‘di ako tatakbong presidente kung ‘yung Davao walang mayor na mag-aalaga sa kanya.”