Pangulong Duterte walang planong magdeklara ng martial law – Palasyo

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Muling iginiit ng Malakanyang na malayong isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas militar ang buong bansa ngayong September 21, ang ika-45 anibersaryo ng pagdeklara ng martial ni dating presidente Ferdinand Marcos.

Ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella, walang balak si Pangulong Duterte na ulitin ang ginawa ni Marcos mahigit apat na dekada na ang nakararaan na itinuturing na isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Again and again, inuulit niya, hindi ‘yan ang patutunguhan natin. Only ang sinabi lang, he’s allowing for the protest ‘wag lang malaglag sa violence and destruction of property in which case the response will be firm,” ani Abella sa panayam sa Unang Balita ng GMA.

Simula’t sapul umano ay sinusubukan na ni Duterte na makipag-usap sa lahat ng panig, kaliwa man o kanan, kaya may mga kinuha itong opisyal sa Gabinete mula sa makakaliwang grupo.

“Simula’t sapul, the President has been very very inclusive, and one thing he [wants is] a comfortable life for all. In other words, damang-dama po ng Presidente ang hinaing ng tao and again and again he’s against corruption, crime, and ‘yung pag-aabuso,” dagdag pa ni Abella.

Sa Proclamation No 319 na nilagdaan ng Pangulo para ideklara ang Setyembre 21 bilang ‘National Day of Protest”, inilarawan ni Duterte ang martial law ni Marcos noon na panahong napuno ng pang-aabuso at kurapsyon.

Ito ay sa kabila ng pagiging vocal ng Pangulo sa pagpuri sa yumanong diktador at pagiging malapit sa pamliya Marcos.