Sekyu sa Chinese General Hospital kung saan dinala si Atio Castillo, nagbigay ng salaysay sa MPD

Image capture of video by GMA News

Nagtungo sa tanggapan ng Manila Police District (MPD)  upang magbigay ng salaysay ang security guard on duty sa Chinese General Hospital noong araw na dinala ang bangkay ng freshman law student ng University of Santo Tomas na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi umano ng guwardiya ng ospital na isang motorsiklo at isang kulay pulang pick-up truck ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital dakong alas-nuwebe ng umaga noong Linggo, ika-17 ng Setyembre.

Kinilala niya ang driver ng motorsiklo bilang si John Paul Solano. Inilarawan naman ng security guard ang driver ng pulang Mitsubishi Strada bilang isang “daddy-looking” na lalaki.

Nauna nang naiulat na ang nasabing Mitsubishi Strada ay nakarehistro sa pangalan ni Antonio Trangia, ama ni Ralph Trangia, na napag-alamang opisyal ng Aegis Juris fraternity na sinalihan ni Castillo.

Si Solano at ang mag-amang Trangia ay itinuturing na ngayon bilang mga prime suspects sa pagkamatay ni Castillo, na nasawi bunsod ng tinamong mga bugbog at pasa sa katawan dahil sa hazing.

Samantala, ang nakababatang Trangia ay tumakas na at nangibang-bansa dalawang araw bago lumabas ang lookout bulletin order ng Bureau of Immigration laban sa kanya at iba pang miyembro ng fraternity.