Tensiyon sa burol ni Kulot: Ama inakalang kukunin ng CIDG ang bangkay ng anak

Image capture of video by ABS-CBN

Nagkaroon ng kaunting tensiyon at komosyon sa lamay ng 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman nang magtungo roon ang ilang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police Martes ng gabi, ika-12 ng Setyembre.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN,  inakala ni Eduardo Gabriel, ama ni “Kulot,” na kukunin ng CIDG ang bangkay ng anak. May dala umanong sulat ang mga pulis na nagre-request ng panibagong DNA test sa katawan ng napaslang na bata.

“Wala kayong karapatan kuhain ‘to dahil unang-una wala kaming pinirmahan. Ako nagpalaki niyan. Anak ko ‘yan kaya kinuha ko ‘yan. Ibibigay ba sa amin ni mayor kung hindi ko anak ‘yan?” sabi umano ni Eduardo habang ipinapakita sa mga pulis ang death certificate ng anak.

“Patay na lalo n’yo pang pinahihirapan,” dagdag pa  ng ama ni “Kulot.”

Ipinaliwanag naman ng isang CIDG official na ang tanging pakay nila ay humingi ng permiso para sa bagong DNA test.

“Wala po kaming kinukuhang bangkay. Maging mahinahon po tayo,” anang opisyal ng CIDG.

Samantala, iginiit ng mga magulang ni “Kulot” na tuloy ang libing nito ngayong Miyerkules, ika-13 ng Setyembre.

Sa ibang ulat, napag-alaman naman na kaya iba ang apelyido ni “Kulot” sa apelyido ng mga magulang ay isinunod umano ng komadrona, na siyang nagparehistro ng kapanganakan, sa apelyido ng lola ng bata.