Uson kay Trillanes sa kasong libel: ‘Kung hindi mo itutuloy ang kaso, ibig lang sabihin wala kang b**g’

Imahe mula sa Facabook video post ni Mocha Uson/Public Domain

Handa umanong magbitiw sa kanyang tungkulin si Communications Assistant Secretary Mocha kapag nanalo si Senator Antonio Trillanes IV sa kanyang libel case na isasampa ng Senador laban kay Uson. Ngunit kung matalo ay dapat magbitiw ang Senador sa kanyang tungkulin.

Ito ang naging tugon ni Uson sa kanyang Facebook post laban sa Senador.

Ituloy mo ang kaso, hinahamon kita, at kung mananalo ka, magre-resign ako. Ngunit kung matalo ka, ikaw ang mag-resign,” ani Uson.

Matatandaang halos ganito rin ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Trillanes.

Noong 2016 Presidential election, inakusahan ni Trillanes si Duterte na ito’y may tagong yaman at handa ang noo’y alkalde na i-withdraw ang kaniyang  kandidatura kung mapatutunayang totoo. Kung hindi, hindi rin dapat ituloy ng Senador ang kanyang kandidatura bilang vice president.

Ani Uson patungkol sa Senador: “Kung hindi mo itutuloy ang kaso, ibig lang sabihin wala kang [ba*ag],”

Ayon sa ulat ng Rappler, sinabi pa ni Uson, na i-google niya ang mga salitang “alleged” at “allegedly,” na sinasabing ginamit niya sa pag-post sa kaniyang Facebook account ng mga detalye ng diumano’y offshore account ni Trillanes.

Nitong Setyembre 11, inihayag ni Trillanes na kakasuhan niya ng libel sina Uson, radio commentator Erwin Tulfo,  at Ben Tesiorna na sinasabing nasa likod ng mga propaganda website.

Wika ni Trillanes, ang tatlong binanggit ang nasa likod ng pagpapakalat ng fake news hinggil sa diumano’y mga offshore bank accounts niya.