2 BI officials sa P50-M bribery scandal, posibleng hindi makasuhan ng plunder dahil sa ‘nawawalang’ P1,000

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Posibleng hindi na makasuhan  ng plunder ang 2 tinanggal na opisyal ng Bureau of Immigration (BI)  dahil kulang na umano ng P1,000 ang perang nasamsam ng Department of Justice (DOJ).

Ito ang nadikubre ng mga senador sa ginawang deliberasyon para sa proposed P17.43-B budget ng DOJ nitong Martes, ika-10 ng Oktubre.

Sa naganap na pagdinig, kinumusta ni Senador Franklin Drilon ang kaso nina dating Immigration deputy commissioner Michael Robles at Al Argosino na nasangkot sa P50-M bribery scandal na kinasasangkutan din ng gaming tycoon na si Jack Lam.

Ayon kay Senador Loren Legarda, chairperson ng Senate finance committee, napag-alaman niya kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, na dumalo rin sa pagdinig, na umabot lang sa P49,999,000 ang perang nakarating sa DOJ.

Ito ay kulang ng P1,000 para sa P50-M threshold sa kasong plunder.

Hindi pala biro

Akala umano ni Legarda ay nagbibiro lang si Aguirre subalit seryoso pala talaga ito na kulang nga ng P1,000 ang nasabing perang nasa kamay ng DOJ.

“It’s a joke. Oh, it’s not a joke? Kulang po ng P1,000 bago maging plunder,” ani Legarda.

Dismayado naman si Drilon sa nadiskubre at hinikayat na paimbestigahan ang pangyayari dahil malinaw umano na “obstruction of justice” ang sinadyang pagbabawas ng P1,000 para lamang makaiwas ang 2 akusado sa kasong plunder.

“I call for an investigation because this is obstruction of justice para whoever is responsible should be punished. I condemn in the strongest possible term this mockery of justice that we are seeing,” ani Drilon.

Sina Robles at Argosino ay kilalang ‘brod’ sa fraternity nina Aguirre at Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang 2 sa mga kasong graft at direct bribery na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman.