3 miyembro ng pamilyang konektado sa Parojinog, arestado sa CDO

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Arestado nitong Lunes ang tatlong miyembro ng isang pamilya na pinaniwalaang may koneksiyon sa Parojinog family ng Ozamiz City.

Kinilala sa ulat ng ABS-CBN News ang mga naaresto na sina Rico Bacon, isang inhenyero, ang kaniyang asawa na si Annie at bayaw na si Virgilio “Jun” Toledo; mga residente ng Mother of Perpetual Help Avenue, Appovel Subdivision Barangay Bulua sa Cagayan De Oro City.

Nasakote ang tatlong suspek sa pinagsanib na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-10, Martial Law-Special Action Group at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-10.

Pinaniniwalaang sangkot ang tatlo sa operasyon ng ilegal na droga sa Ozamis at ginagamit na dummy ng pamilya Parojinog. Miyembro rin umano sila ng sindikatong Kubaldra group o Kuratong Baleleng.

“The Bacon family has been in the target list of PDEA and Intelligence Unit of the Armed Forces of the Philippines. We have validated information that they are connected to the Ozamiz Criminal Group, particularly to the Parojinog family,” ayon kay PDEA-10 regional director Adrian Alvariño.

Mahigpit namang itinanggi ni Bacon ang mga akusasyon laban sa kanila at sinabing hindi sila sangkot sa anumang ilegal na gawain.

Naaresto ang tatlong suspek sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Gingoog City. Narekober mula sa kanila ang ilang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P223,000; isang 9mm pistol at isang granada.

Nahaharap ngayon sin Bacon at ang kaniyang kasamahan sa mga kasong paglabag s Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms and Explosives.