AFP: Accounted ang lahat ng gamit at pera na nakuha mula sa Marawi operation

Image capture of video by GMA News

Ginarantiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na accounted ang lahat ng kanilang mga narekober sa kanilang operasyon sa Marawi, kasama na rito ang mga gamit at pera.

Ayon kay AFP Spokesperson M/Gen. Restituto Padilla, kasalukuyang nasa Joint Task Marawi ang lahat ng mga nakumpiskang bagay partikular na ang salapi na narekober sa lungsod.

Ani Padilla, kapag natapos na ang bakbakan sa Marawi ay ibibigay ito sa proper authorities.

Wala namang komento si Padilla sa ulat na may ibinaon na salapi ang mga Maute-ISIS sa main battle area na aabot sa P1 bilyon kung kaya’t hindi sila namomroblema sa kanilang panggastos, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Ang nasabing halaga ay ninakaw umano ng mga terorista sa mga business establishments at bangko, at ito ay ibinunyag naman ng ilang bihag na nailigtas ng tropa ng militar.

Tuloy pa rin ang kanilang operasyon sa main battle area, sa kabila ng tagumpay ng militar sa pagsugpo ng dalawang lider ng Maute-ISIS.

Ayon sa AFP, mas kritikal ang labanan dahil ang mga tinutugis na mga terorista ay handang magpakamatay.

Sa inisyal na ulat ng Balita DF ay sinasabi na nasa 20-30 pa ang mga terorista na nasa Marawi; kasama na rito ang nasa anim hanggang walong dayuhan.

Sa mga dayuhang terorista, kabilang sa tinutugis ay si Malaysian Mahmud Ahmad; ang pinaniniwalaang nagpondo ng pag-atake sa Marawi.

Samantala, ani Professor Rommel Banloi, Executive Director ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research, hindi maaaring magpakakampante ang AFP dahil asahan ang paghihiganti ng mga natitirang terorista gayundin ang mga kaalyado ng mga ito, ayon sa ulat ng DWIZ 882 AM.