AFP at PNP, bumuo ng komite upang mabilis na makasuhan ang gumagawa ng kasamaan laban sa mga pulis at sundalo

File photo

Isang komite ang binuo ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mabilis na makasuhan ang gumagawa ng kasamaan laban sa mga pulis at sundalo.

Nilagdaan nina AFP Chief of Staff General Eduardo Año at PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang Inter-Agency Committee on Legal Action (IACLA) sa 20th AFP-PNP National Joint peace and Security Coordination Council Meeting sa Camp Crame.

Ayon sa kasunduan ng AFP at PNP ay palalakasin nito ang pagsulong ng mga kaso laban sa New People’s Army (NPA) at iba pang mga armadong grupo na gumagawa ng atrosidad laban sa PNP at AFP.

Ani Police Director Camilo Cascolan ng Directorate for Operations, bago pa ang nasabing kasunduan ay mayroon nang Inter Agency Legal Action Group (IALAG) na nagsusulong ng mga kaso laban sa mga rebelde.

Ani Cascolan, nabuwag ang IALAG noong 2012 at gumawa naman ang PNP ng Committee on Legal Action, ngunit hindi ito naging kasing epektibo ng IALAG, ayon sa ulat ng RMN.

Ayon naman kay PNP Directorate for investigation and Detection Management Director Augusto Marquez, sa 2,504 na mga kaso ng atrosidad mula Enero 2012 hanggang Hulyo 2017 na naitala ng Directorate for Investigation and Detective Management Camp Crame (DIDM) sa kanayunan ay 292 lang ang cleared o solved.

Paliwanag niya, sobrang mababa na ang “level of performance” sa pag-uusig sa mga gumagawa ng atrosidad laban sa mga sundalo at pulis.

Dagdag pa niya, layunin ng IACLA na maresolba ang malaking backlog na ito na kaso laban sa mga NPA at iba pang kalaban ng bansa.

Kamakailan, inihayag naman ni Dela Rosa na suliranin sa lahat ng bayan at lalawigan sa bansa ang kakulangan sa bilang ng mga pulis, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Samantala, hindi kasama ang PNP chief sa paunang listahan ng mga kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa pagkasenador sa darating na 2019 election.

Ito ay sa kabila ng mga naunang naging pahayag ni Dela Rosa nitong Mayo na bukas siyang tumakbo sa pagkasenador, ayon sa inisyal na ulat ng Radyo Inquirer.