Amazing Love: 72-anyos na anak, walang sawang nag-aalaga sa inang 104-taong gulang na

Image capture of video by I-Witness via YouTube

Isang kuwento ng buhay na humahaplos sa puso…

Karamihan sa atin ay humihiling ng mahabang buhay at makasama ang ating pamilya nang matagal.

Ngunit ang isang lola, si Lola Emilia, ay walang ibang hinihiling kundi sana ay kunin na siya ng Maykapal at bawian na ng buhay.

Ang 104-anyos na si lola Emilia Cabotage, taga ilocos sur, ay isang biyuda na. Maaga umanong pumanaw ang asawa nito. May apat silang anak subalit pumanaw na ang dalawa sa mga ito kaya ang nag-aalaga sa kanya ngayon ay ang kanyang anak na si Emerencia, 72, at si Rosalina, 77; pawang mga walang asawa.

Sa programang I-witness ay ikinuwento ni Emerencia kay Kara David na wala kasi siyang balak na mag-asawa, na marami ang nanligaw ngunit hindi na niya binalak pang mag-asawa. Aniya, hindi niya magawang iwan ang kanilang nanay.

Sabik na sabik umano si Lola sa bisita ngunit wala nang bumibisita at tanging ang kanyang anak na si Emerencia ang lagi niyang kasama sa bahay.

Sa panahong ito na kailangan ni lola Emilia ng kalinga, mapalad siyang inaalagan at minamahal ng kanyang anak na walang pagod at walang sawang nag-aaruga sa kanya.

Nang itanong ni Kara kay Emerencia kung mahirap ba mag-alaga ng 104 anyos, sinabi ng huli na: “Minsan mahirap, minsan ah maganda kasi ‘yung pagtingin ko sa nanay ko parang masayang masaya sa loob ko, kasi nakikita ko.”

Mahirap na sakripisyo ito, ayon kay Kara, ngunit para kay Emerencia ay wala daw siyang pinagsisisihan.

Mapapaisip ka, mapapahanga sa katatagan ni Emerencia at sa kanyang inilaang pagmamahal sa kanilang ina. Tunay na isang dakilang anak. Mapalad si lola Emilia sa kanyang anak.

Araw araw ay nagdarasal umano si lola Emilia na sana ay kunin na siya ng Panginoon, upang ang kanyang anak ay makapagpahinga at sarili naman nito ang alagaan. Ngunit para sa mapagmahal na anak, ang buhay niya ay ang kanyang ina.

Paanoorin ang buong kuwento sa I-Witness ni Kara David:

Source :

GMA, YouTube