Anti-illegal drug operations sa buong bansa opisyal nang inalis sa  PNP

Public domain

Opisyal nang inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police at sa iba pang tanggapan ng pamahalaan ang awtoridad na magsagawa ng anti-illegal drug operations sa buong bansa.

Alinsunod sa memorandum na nilagdaan ni Pangulong Duterte at pagsunod na rin sa Republic Act Number 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, inatasan ng Pangulo ang  PNP, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of investigation, Bureau of Customs, Philippine Postal Office at iba pang anti-drug taskforce na ibigay ang responsibilidad sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa lahat ng anti-drug operations.

Ayon sa ulat ng RMN, inatasan din ng Pangulo ang lahat ng mga naturang  tanggapan ng pamahalaan na ilipat na rin sa PDEA ang lahat ng impormasyon at datos na may kaugnayan sa iligal na droga.

Gayunman, inatasan din ni Duterte ang PNP na panatilihin ang police visibility bilang deterrent sa mga gawaing may kaugnayan sa iligal na droga.

Samantala, nilinaw naman ni PDEA Director General Aaron Aquino na hindi niya hiningi sa pangulo ang desisyon na sila na lamang ang magsagawa ng mga anti-illegal drugs operation sa bansa.

Wika ni Aquino, kailangan nila sa mga operasyon ang tulong ng PNP sapagkat  kakaunti lamang ang kanyang mga tauhan sa PDEA.