Artist, tinawag na “kalakal boy” dahil sa paggamit ng mga basura sa kanyang obra

Image capture of video by ANC

May kakaibang pang-akit kay Jezir Lazcuña ang mga bagay na para sa lipunan ay mga patapon na.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sa tuwing lalabas ng bahay si Jezir ay pinupulot niya ang mga basura na nadaraanan niya; plastik man ang mga iyon o bakal na kalawangin. Iyon daw ang dahilan kung bakit binansagan siyang “kalakal boy” ng kanyang mga kapitbahay.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, nangongolekta ng basura si Jezir hindi upang ibenta ang mga iyon. Ginagamit niya ang mga bagay na para sa iba ay wala nang pakinabang bilang materyales sa paggawa ng obra o artwork.

“Nag-iipon ako ng mga bagay-bagay na patapon at ginagawang obra,” aniya.

Bilang alagad ng sining, nais niya umanong maipahayag ang sining sa makabuluhang pamamaraan… sa paraang pupukaw sa damdamin ng mga tao na baguhin ang kanilang pamumuhay, lalo na sa harap ng nangyayaring climate change.

Naisipan niya umanong gumawa ng “junk art” simula nang maranasan niya ang lupit na dala ng bagyong Ondoy noong 2009 na nagdulot ng matinding pagbaha, na isinisi ng mga eksperto sa mga baradong kanal dahil sa dami ng basura.

“Kapag ang kalikasan gumanti sa atin dahil sa kalapastanganan ng tao, wala tayong magagawa, isang ganun lang tayo. Bago pa makapinsala ang mga basura, agapan na natin. Puwede pa natin siya gawan ng paraan,” ani Jezir.

Tunay nga naman ang kanyang mga tinuran, pagkat ang basura na ating itinapon ay sa atin din babalik.

Narito ang video ng kuwento ni Jezir na ibinahagi ng ABS-CBN: