Atty. Kapunan hindi natitinag sa P120-M libel case na isinampa ni UST Dean Nilo Divina

Images from Atty. Kapunan's Facebook account/ DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Hindi natitinag si Atty. Lorna Kapunan sa P120-M libel case na isinampa laban sa kaniya ni University of Santo Tomas (UST) Law dean Nilo Divina.

Ayon kay Kapunan, mas dapat na pagtuunan ng pansin ni Divina ang kasong kinakaharap nito kaugnay ng pagkamatay ni UST Law student Horacio Tomas Castillo.

Magugunitang dalawang kasong libel ang isinampa ni Divina laban kay Kapunan. Ang una ay 6 counts of cyber libel may kaugnayan sa pagsasapubliko ng kasong disbarment sa Korte Suprema laban kay Divina. Dito ay co-respondent ni Kapunan si Comelec chairperson Andres Bautista.

Ang Divina Law office ang tumatayong abogado ng Smartmatic sa nasabing disbarment case.

Ang pangalawang kasong libel ay nag-ugat sa isang panayam kay Kapunan sa isang programa sa telebisyon kung saan sinabin nitong si Divina ang nag-recruit kay Castillo para sumanib sa Aegis Juris fraternity.

Humihingi si Divina ng kabuuang danyos-perwisyo sa dalawang kaso na nagkakahalaga ng P120-M.

Subalit dinepensahan naman ni Kapunan, abogado ng pamilya Castillo sa hazing case, ang pagsama kay Divina sa mga sinampahan ng kaso tungkol sa pagkamatay ng 22-anyos na estudyante. Aniya, ginagawa lamang niya ang trabaho bilang abogado ng biktima.

Bagama’t hindi pa niya umano nababasa ang kasong libel ni Divina, nakahanda siyang harapin ito dahil naniniwala siyang ang pinakamabisang depensa sa libel ay ang katotohanan.