Baron Geisler planong ipa-rehab ng pamilya paglaya nito

Image from Baron Geisler's Facebook post

Planong ipasok sa rehabilitation center si Baron Geisler sa oras na ito’y makalaya; ito ay ayon sa kanyang pamilya.

Matatandaang inaresto si Baron makaraang mag-eskandalo umano ito sa isang resto-bar sa Quezon City nitong Oktubre 16 ng gabi.

Ayon sa ulat ng RMN, ang planong pagpapa-rehab sa aktor ay dahil sa pagkakalulong muli nito sa matinding pag-inom ng alak.

Sinabi ni Donald David Geisler, nakatatandang kapatid ni Baron na kukumbinsihin ng iba pang miyembro ng pamilya ang aktor paglabas nito ng kulungan.

Kasalukuyang nakapiit ngayon si Geisler sa Quezon City Police District (QCPD) station 10 dahil sa kasong alarm and scandal at unjust vexation dahil sa pagwawala sa loob ng TGIF o Fridays restaurant nitong Lunes.

Ngunit nilinaw ni Donald na desisyon pa rin ni Baron kung siya’y magpapa-rehab.

Hindi nakalaya si Geisler nitong Martes pagkat wala umanong judge na tatanggap sa kanyang apat na libong pisong piyansa at maliban  pa rito ay may nakita umano ang QCPD na isa pang kaso sa Lapu-Lapu City.

Humingi ng paumanhin ang kanyang pamilya sa gulong kinasangkutan ng aktor.