Bautista, na-impeach pa rin ng Kamara sa kabila ng pagbibitiw sa puwesto

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Tinuluyan pa ring i-impeach ng Mababang Kapulungan si Comelec chairman Andres Bautista sa kabila ng pagbibitiw nito sa puwesto.

Halos ilang oras lang ang pagitan ng pagsasapubliko ng resignation ni Bautista at ang pag-aapruba ng reklamong impeachment sa Kamara.

Nauna nang nagbabala si Speaker Pantaleon Alvarez na itutuloy pa rin nila nag impeachment proceedings laban sa Comelec chairman kahit pa nagpasa na ito ng kaniyang pormal na resignation.

Sa kaniyang sulat, sinabi ni Bautista na bababa siya sa kaniyang puwesto sa pagtatapos ng taong kasalukuyan.

Subalit nitong Miyerkules, Oktubre 11, 137 na mambabatas ang bumoto laban sa pagbabasura ng impeachment complaint  na isinampa kay Bautista, na siyang nagbigay-daan para matuloy ang reklamo at maiakyat sa Mataas na Kapulungan.

Si Bautista ay nahaharap sa kontrobersiya matapos akusahan ng kanyang asawa na si Patricia ng pagkakaroon ng tagong-yaman na aabot umano s P1-B.

Posibleng simulan ang impeachment trial sa darating na pangalawang linggo ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre matapos ang pansamantalang pahinga ng Kongreso mula October 14 hanggang November 12.

Si Bautista ang kauna-unahang opisyal ng gobyerno na na-impeach ng Kamara matapos ang mahigit isang taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang.