CHR, suportado ang desisyon ni Duterte sa pagbabalik ng ‘war on drugs’ sa PDEA

Image from Presidential Photographers Division

Nagpamalas ng suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ‘war on drugs’ ng gobyerno.

Ani CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia, indikasyon ito na handa na umano ang administrasyong Duterte na makinig sa publiko hinggil sa pagsunod ng due process laban sa ilegal na droga.

Dagdag pa niya, umaasa rin ang CHR na mananaig ang propesyonalismo ng PDEA alinsunod sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at mahigpit nitong susundin ang batas.

Umaasa rin ang CHR na mayroong mas higit na pakikipagtulungan sa pagitan nila at ng PDEA para makabuo ng stratehiya na mayroong respeto sa dignidad at buhay ng tao, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Inalis ng Commander-in-Chief ang Philippine National Police (PNP) sa frontline ng anti-illegal drug operation at ibinalik ito sa PDEA.

Dahil dito, naniniwala ang CHR na mas mabibigyan ng pansin ng PNP ang pagresolba sa iba pang ordinaryong krimen, vigilante killings at extrajudicial killings (EJK).