De Lima, mananatili sa kulungan; Petisyon kontra sa kanyang pagkakaaresto, ibinasura ng Korte Suprema

Image from DFN Files

Mananatili si Senador Leila De Lima sa kulungan.

Ito ay dahil sa pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ni De Lima hinggil sa kanyang pagkakaaresto na inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).

Ang nasabing arrest warrant ay nagsasangkot kay De Lima sa  bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Tumutol ang mayorya ng mga mahistrado sa petisyon ni De Lima na may botong 9-6, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Ayon sa inisyal na ulat ng Bombo Radyo, naghain ng petisyon si De Lima sa Supreme Court nang magpalabas ng arrest warrant  si Muntinlupa RTC Branch 205 Judge Juanita Guerrero.

Kinukuwestiyon kasi ng senador ang hurisdiksiyon ng Muntinlupa RTC sa mga kaso na inihain ng Department of Justice (DOJ).

Sa petisyon ng senador, nais niyang ipawalang-bisa ang nasabing arrest warrant at ipahinto ang pagdinig sa kanyang kaso.

Sa paniniwala ng kampo ni De Lima, walang hurisdiksiyon ang Muntinlupa RTC sa reklamo ng DOJ at itinuturing nilang ilegal ang naging mabilis na pagpapalabas ng arrest warrant laban sa senador.

Kasalukuyan namang nakaditine si De Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.