Dela Rosa, handang irekomenda kay Duterte ang paghawak muli ng anti-illegal drug operation sa bansa

PNP chief Dir. Gen. Ronald 'Bato' dela Rosa during press conference at Camp Crame on Monday. Photo by: JOEL LIPORADA

Handa umano si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa PNP ang paghawak ng anti-illegal drug operation sa bansa.

Ito ay kung sakaling bumalik sa normal o lalong lumala ang problema sa ilegal na droga.

Paliwanag ni Dela Rosa, gagawin niya ang nasabing hakbang sakaling manumbalik muli ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa kalsada.

Aniya, sa loob ng mahigit isang taon ay maayos nilang nagawa ang kanilang tungkulin sa pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa.

Dagdag pa niya, handa rin ang PNP na bigyang suporta ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang matuldukan ang nasabing suliranin.

Samantala, naglabas ng memorandum si Pangulong Duterte noong nakaraang linggo na kung saan sinasabi nito na ang PDEA na lamang ang may ekslusibong mandato sa ‘war on drugs’ ng pamahalaan, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Sa inisyal na ulat naman ng Balita DF, maaari pa ring sumali ang PNP sa ‘war on drugs’ ngunit nagbigay ng kondisyon si Dela Rosa.

Ang mga kondisyon ng PNP chief ay: una, kung ang  PDEA ay nasangkot sa barilan; ikalawa, kung ang PDEA ay natatalo sa kalaban; at ikatlo, kung ang PDEA ay humihingi ng tulong.