Dela Rosa, hindi makikipagtalo kay Pimentel; ‘Tanungin ang ordinaryong tao sa peace and order ng bansa’

File photo

“Hindi ako makikipag-away. Senate president siya, kung ano gusto niya sabihin. Basta ako sana tanungin ‘yung ordinaryong tao kung ano naramdaman nila sa ginagawa natin.”

Ayaw umano ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na makipag-away kay Senate President Aquilino Pimentel III.

Ito ay matapos kuwestyunin ni Pimentel ang peace and order sa bansa matapos ang pagpaslang kina Melchor Arago, 52-anyos, konsehal ng Puerto Galera, at anak nitong si Kenneth Arago, 15-anyos.

Ani Dela Rosa, imbes na tanungin siya ni Pimentel ay mas mabuting tanungin ang mga ordinaryong tao nang malaman nito ang katotohanan, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Paliwanag niya: “Kung nagtatanong siya sa peace and order dapat hindi ako ang tanungin niya, tanungin niya ‘yung mga ordinaryong tao sa kalsada, magtanong siya doon kung ano ang pakiramdam ng mga tao ngayon, kung may pagbabago ba talaga.”

Iginiit din ng PNP chief, naresolba agad ang krimen sapagkat nadakip din agad ang suspek sa pamamaril sa konsehal at sa anak nito.

Wika pa ni Dela Rosa, kung tatanungin din daw siya kung paano mapipigilan o maiiwasan ang mga ganitong uri ng krimen ay aniya hindi nila kontrolado ang pag-iisip ng mga kriminal.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa GMA News: