Depresyon huwag ipagwalang-bahala; Paano nga ba ito maiiwasan?

Public domain

Naging usap-usapan sa social media ang naging pahayag ni Joey de Leon na gawa-gawa lamang ng tao ang pagkakaroon ng depresyon.

Umani ng batikos si De Leon hindi lamang sa social media kundi maging sa kanyang pamilya sa naging pahayag niya sa October 5 segment ng Juan for All, All for Juan ng Eat Bulaga.

Ngunit humingi naman ng paumanhin ang host sa madla sa kanyang naging pahayag.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang depresyon ay isang seryosong sakit.

Wika ni Health Sec. Paulyn Ubial, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga nakararanas nito.

Ano nga ba ang depresyon?

Ayon sa American Psychiatric Association (APA), ang depresyon ay isang seryosong sakit na negatibong nakaaapekto sa iyong pakiramdam, kung paano ka mag-isip at kumilos. Ngunit ito naman ay nagagamot.

Ano nga ba ang mga sanhi ng depresyon?

Ayon pa sa APA, sanhi ng depresyon ang kalungkutan, at kawalan ng interes sa ilang mga gawain. Saad pa nito na maaaring magresulta ang depresyon sa emosyonal at pisikal na problema at maaaring mabawasan ang kakayahang makapagtrabaho nang maaayos sa  workplace at sa bahay.

Wika naman ni Ubial, may maagang senyales ang pagkakaroon ng depresyon.

Sa ulat ng RMN, sinabi ng Kalihim na ang kawalan ng gana sa pagkain, hirap makatulog, laging gustong mapag-isa, iritable at nag-iiba ang pag-uugali ay maagang sintomas ng depression.

Ngunit saad niUbial, hindi madaling matukoy ang dahilan ng depresyon dahil sa pagiging multi-factorial nito tulad ng stress, bullying at family history.

Paalala pa ng kalihim, huwag nang hintayin na lumala pa ang depresyon kapag naramdaman na ito kahit kaunti.

Samantala, may ilang mungkahi ang Mind Body Green kung paano maiiwasan ang depresyon:

  1. Magkaroon ng sapat na tulog

Ang disturbances ng circadian rhythms ay nauugnay sa depresyon at resynchronizing circadian rhythms gamit ang melatonin supplements na may antidepressant effects.

  1. Regular na mag-ehersisyo

Ang regular na pag-eehersisyo ay talaga namang may magandang benepisyo sa pangangatawan at isang paraan din upang maiwasan ang depresyon.

  1. I-regulate ang iyong blood sugar

May pag-aaral na ang mataas na blood sugar sa katawan ay nauugnay sa depresyon. Tiyakin na maayos ang pagkain kabilang ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa protina.

  1. Kumain ng mga ‘healthy fats’

May pag-aaral na ang pagkain ng omega-3 polyunsaturated fatty acids tulad ng salmon, trout at sardinas ay nakababawas ng sintomas ng depresyon. Ang Flaxseeds at walnuts ay magandang sources ng omega-3s.

  1. Hanapin ang iyong ‘passion’ sa buhay

Ayon sa Blue Zones, ang mga taong may sense of purpose ay mas mahaba ang buhay. Ang paggawa ng mga bagay na labis mong ikinasisiya ay makatutulong upang maiwasan ang depresyon.