DILG, inalis na ang ‘Oplan Tokhang Drop Boxes’ 

Public Domain Image

Inalis na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang programa nila na “Oplan Tokhang Drop Boxes” sa bawat barangay bilang bahagi ng kampanya kontra sa ilegal na droga.

Kasunod ito sa pagkuwestyon ni Senador Risa Hontiveros sa nasabing programa ng DILG.

Ayon kay Hontiveros, may malaking posibilidad na ang nasabing programa ng DILG ay maaaring maabuso at magamit sa personal na interest, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Naniniwala rin ang senador na maaaring magdulot din ito ng malisya, ayon sa ulat ng Brigada News.

Ayon naman kay Senador JV Ejercito, ilaan na lamang sa iba pang programa ang P500 milyon na pondo sa inalis na drop boxes.

Samantala, pinamamadali sa DILG ang pagsipa sa police scalawags, ayon sa ulat ng Abante Tonite.

Iginiit ni Senador Bam Aquino na dapat umano magdoble-trabaho ang mga pulis upang maibalik sa kanila ang tiwala ng publiko lalo na sa kanilang kontrobersyal na “war on drugs”.

Aniya: “Marami nang Pilipino ang natatakot na maging collateral damage ng drug war.”