Doktor, 2 retiradong pulis arestado sa buy-bust operation sa QC

Image from RMN News

MAYNILA, Pilipinas – Arestado ang 2 retiradong pulis, isang doktor at 6 na iba pa sa isinagawang drug buy-bust operation sa Quezon City nitong Miyerkules nang madaling araw.

Kinilala ang doktor na naaresto na si Dr. Amante Valdepenas, isang orthopedic physician. Kasama niyang naaresto sina retired PO3 Almario Cristobal at retired PO1 Rommel Nogoy na pinaniniwalaang kustomer ng doktor.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, unang nasakote ng mga pulis sa Barangay Doña Imelda sina Mark Anthony Pangilinan kinakasama nitong si Maybelle Tulang.

Ang dalawa ang nagturo sa iba pa nitong kasamahan na kinabibilangan nina Dr. Valdepenas, Cristobal, Nogoy, driver ng doktor na si Raymond Valle at ang kinakasama ni Cristobal na si Leni De Guzman.

Mahigpit na itinanggi ni Valdepenas na nagbebenta siya ng shabu subalit ilan sa mga kustomer niya mismo ang nagturo sa kaniya. Itinanggi rin ni Nogoy na gumagamit siya ng ilegal na droga at napasama lamang umano matapos yayain ng doktor na mag-bingo.

Umamin naman si Cristobal na gumagamit ito ng shabu matapos magretiro sa serbisyo at makilala si Valdepenas sa pamamagitan ng isang pasyente nito.

Narekober sa grupo ang 8 na pakete ng shabu. Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa mga suspek na pansamantalang nakakulong ngayon sa Galas police station.