Duterte, ibinunyag na pinayuhan siya na huwag babanggain si Lucio Tan

File photo

Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinayuhan umano siya ng kanyang adviser na huwag babanggain ang multi-billionaire businessman na si Lucio Tan.

Ito ay dahil may posibilidad na gumanti si Tan sa pamamagitan ng pagpondo sa pangkat ng mga oposisyon upang mapatalsik ang Pangulo sa puwesto.

Ang pahayag na ito ay sinabi ng Punong Ehekutibo sa panayam nito sa PTV-4 hinggil sa ibinigay nitong 10-araw na deadline upang bayaran ang P7.3 bilyon na utang ng Philippine Airlines (PAL) sa pamahalaan na pagmamay-ari ni Tan, ayon sa ulat ng Abante.

Ani Duterte: “Itong si Lucio Tan, hindi siya nagbabayad. Matagal na ‘yan. Panahon pa ni – I think four presidents away. Hindi siya nagbabayad ng – pag-landing mo pati pag-take off mo, may bayad ‘yan.”

Ngunit, iginiit ng Pangulo na hindi siya natatakot sa posibilidad na gantihan siya ng mga businessman na siningil niya nang malaki dahil sa pagkakautang nito sa pamahalaan na umabot na nang matagal na panahon.

Aniya: “I am ready to die for my country. Kung patayin nila ako dito sa opisina, okay lang. Assassinate ako nila, okay lang.”

Dagdag pa niya: “Pero kung makita ko, sabi ko, ‘yung mag — bayan ko na magti-tilt into chaos at ma-destabilize talaga, mag-declare na nga ako ng revolutio­nary government.”

Nagbigay babala rin ang Punong Ehekutibo na ipaaaresto niya at ipakukulong ang sinumang magtangkang magpabagsak sa pamahalaan kabilang na rito ang Communist Party of the Philippines.