‘Dutertism’ sa SC pinuna ni Senador De Lima

File photo

Tinawag ni Senador Leila De Lima na ‘Dutertism’ ang naging desisyon ng Korte Suprema dahil sa pagpigil ng katotohanan at sumisimbolo sa pang-aapi at political persecution.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sinabi ni De Lima na may malawak na impluwensya si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakabasura ng Korte Suprema sa kaniyang petisyon na ipawalang-bisa ang arrest warrant hinggil sa mga kasong kinakaharap nito na may kinalaman sa ilegal na droga.

Matatandaan nitong Oktubre 10, sa botong 9-6, ay ibinasura ng Korte ang petisyon ni De Lima na ipawalang-bisa ang kanyang pagkakaaresto sa isa sa tatlong kasong may kaugnayan sa droga na isinampa laban sa kanya  dahil sa kakulangan ng merit nito.

Ayon kay De Lima, siya’y nalulungkot sa naging pasya ng Korte Suprema.

Wika pa ng senadora, sana’y maintindihan ng mga mahistrado ang pakiramdam ng isang inosenteng taong nakulong bunga ng paghihiganti ng nakaupong pangulo.

Nagpasalamat naman si De Lima sa anim na mahistradong pumabor sa kaniyang petisyon na aniya’y dahil sa kanilang paninindigan.

Siniguro naman ng Senadora na tuloy ang kanyang  laban at naghahanda na rin sa paghahain ng motion for reconsideration.

Samantala ikinalungkot ni Senador Antonio Trillanes IV ang pagbasura ng Korte Suprema sa hiling ng kampo ni Senador Leila de Lima.

Ayon kay Trillanes, ang desisyong ito ng korte ay patunay na kontrolado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong sangay ng gobyerno; ang lehislatura, ehekutibo at ang hudikatura.