EO na magtatatag ng OFW bank, aprubado na kay Duterte

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order (EO) para bilhin ng Land Bank of the Philippines (LBP) ang Philippine Postal Savings Bank (PPSB) na planong gawing Overseas Filipino Bank (OFB) ng gobyerno.

Nilagdaan ng Pangulo ang EO No. 44, na may petsang Setyembre 28, na nagbibigay-daan sa LBP para bilhin ang PPSB at nag-uutos sa Bureau of the Treasury para ilipat ang kanilang shares na may “zero value”.

“Overseas-based Filipinos, who contribute to the country’s foreign exchange income, currency stability, employment, and overall economic growth through their remittances should be given provision of priority support for their growing financial needs,” anang naturang EO.

Ang OFB ay bubuuin ng LBP President bilang chairperson, LBP-designated OFB president bilang vice chairperson, 4 na LBP-designated directors bilang miyembro, at tig-iisang kinatawan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at pribadong sektor na siyang kakatawan sa mga OFW.

“There is a need to establish a policy bank dedicated to provide financial products and services tailored to the requirements of overseas Filipinos, and focused on delivering quality and efficient foreign remittance services,” ayon sa EO ng Pangulo.

Disyembre noong isang taon nang ianunsiyo ng Department of Finance (DoF) ang pagtatatag ng isang bangko para sa mga OFW at isa rin ito sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte nang maupo siya sa Malakanyang.