Happy ending sa “Finding Chinchin”: Anak na inilayo sa ina, naibalik na!

Images by Jho Lizada Abundo via Facebook account

Tunay nga namang walang katumbas ang kaligayahan ng isang ina na nakasamang muli ang kanyang anak na napawalay.

Nitong Setyembre lamang ay ibinihagi ng isang ina ang kanyang matinding dalamhati sa paghahanap sa kanyang bunsong anak na si Chinchin. Sa wakas, matapos ang apat na buwan na paghahanap ay nagkasama nang muli ang mag-ina.

Ayon  sa naunang kuwento ni Jho Lizada Abundo sa Balita DF ay nagsimula ang kanyang hinagpis at pangungulila sa anak nang pilit itinatago ng kanyang biyenan na si Helen Abundo si Chinchin. Pilit ginawa ni Jho ang lahat at humingi siya ng tulong sa mga pulis, DSWD, sa publiko at nanawagan pa nga ito sa programa ng Tulfo brothers.

Nagsampa si Jho ng Writ of Habeas Corpus upang mapilitang humarap sa korte ang kanyang biyenan na si Abundo at mailabas si Chinchin. At matapos ang apat na buwan ay nagkita na ulit si Jho at ang kanyang mahal na si Chinchin. Abot hanggang langit ang tuwa at galak ng mag-ina dahil sa wakas ay nayakap na nila ang isa’t-isa.

Ani pa ni Jho, “Four months din naming hindi nakita ang bata at gumastos pa ako ng abogado para lang makuha at makita ko ang anak ko. Nakakapanghinayang, sana ‘yung pera na para sa mga bata pero wala akong choice kundi ipaglaban ang aking anak.”

Dagdag pa ni Jho ay nakipagpatawaran na raw siya sa kanyang biyenan na si Helen. Dala lamang daw ng bugso ng emosyon at init ng ulo kaya nagawa nilang itago si Chinchin sa kanila. Ikinapanatag na rin ng loob ni Jho na naging maayos naman ang lagay ni Chinchin doon at inaalagaan naman daw pala siya nang mabuti. Nagpasalamat rin si Jho sa lahat ng tumulong at nakisimpatiya sa kanilang paghahanap kay Chinchin.

Tunay ngang makapangyarihan ang pag-ibig ng isang magulang para sa kanyang anak. Ito ay hindi sumusuko sa pagsubok at hindi nawawalan ng pag-asa. Sa ngayon, panatag na si Jho na kayakap na niya sa pagtulog si Chinchin at nangako itong gagawin ang lahat upang hindi na sila magkawalay pa.