Janine, iiwan na ang Kapuso Network?

Imahe mula sa Facebook page ni Janine Gutierrez

Nagsalita na ang aktres na si Janine Gutierrez tungkol sa napababalitang paglipat niya sa Kapamilya Network.

Ayon sa Abante, tiniyak ni Gutierrez na mananatili siyang Kapuso, sa ilalim ng gabay ng bagong manager niyang si Leo V. Dominguez. Sa katunayan, sabik na sabik na raw ang aktres na ang LVD ni Dominguez na ang nagma-manage sa career niya.

“Ako kasi, I’ve always been familiar with Tito Leo kasi, idol ko ang mga alaga niya. Idol ko si Lovi (Poe). And she greeted me na ‘welcome to the family’ and super kilig naman ako. Kasi, she’s always been very nice. Mabait naman kasi si Lovi. Excited ako. Excited akong talaga,” ani Gutierrez.

[Ako kasi, pamilyar na talaga ako kay Tito Leo kasi idol ko ang mga alaga niya. Idol ko si Lovi at binati niya ako na ‘welcome to the family’ at sobrang kinilig naman ako. Kasi talagang maayos siyang makitungo noon pa man. Mabait naman kasi si Lovi. Sabik na sabik na talaga ako.]

Sobrang pasasalamat daw ng aktres sa pagtanggap sa kanya ni Dominguez. Batid daw niya kung gaano ka-busy ang talent manager dahil marami na itong talents na mina-manage.

Dating co-managed si Gutierrez ng GMA Artist Center at ng kanyang ina na si Lotlot de Leon.

Buhay-showbiz

Samantala, katatapos lang daw ng aktres na mag-record ng kanta sa Los Angeles na ang producer ay isa sa mga producer ng mga kanta ni Lady Gaga na si Red One. Natapos na rin nito ang Spirit of the Glass na ipalalabas sa November 1 at ang bagong digital series na Unbroken Hearts.

Kamakailan, nanalo rin siya ng Best Supporting Actress sa Urduja Heritage Film Awards para sa kanyang pagganap sa pelikulang Dagsin.

Hindi pa nobyo si Rayver

Inamin naman ni Gutierrez na ang aktor na si Rayver Cruz ang lalaking malapit sa kanya ngayon at malapit din ito sa kanyang ina. Gayunman, hindi pa raw niya ito nobyo.

“Hindi po, hindi po talaga, swear to God,” aniya.

Sumunod din daw si Cruz sa Bali, Indonesia kung saan nag-celebrate ng kanyang birthday si Gutierrez kasama ang mga kaibigan.

“Matagal ko na pong plano ‘yun with my barkada. Sumunod lang po siya kasi galing po ako ng Bohol. Masaya, super saya. Kasi, mahilig po talaga ko sa beach, ‘di ba? Tapos first time naming mag-out-of-the country na magbabarkada na magkakasama which is, matagal na naming pangarap,” kuwento niya.

“And with Rayver, masaya rin. Hahaha! Magkasundo rin po sila ng friends ko, e. So, nag-enjoy naman po kami,” dagdag pa niya.

Source :

Abante, Yahoo, PEP