Kauna-unahang Smart Police Station sa buong mundo, binuksan sa publiko sa Dubai

Image capture of video by Press TV

Isang kakaibang himpilan ng pulisya ang inilunsad sa Dubai kung saan ang publiko ay maaaring magsampa ng reklamo at magsumbong ng nagaganap na krimen, magpadala ng ebidensiya, magbayad ng multa at iba pa gamit lang ang computer.

Tinawag itong smart police station na bukas 24 oras. Kauna-unahan ito sa buong mundo.

Sa ngayon ay may dalawang police officers ang nakatalaga sa police station upang magbigay ng ayuda sa publiko, subalit plano ng Dubai police na sa hinaharap ay wala nang mga pulis ang nakatalaga sa mga smart police stations.

Ayon sa ulat ng Al Arabiya, sinabi umano ni Brig. Khalid Al Razooqi, ang general director ng smart services ng Dubai Police, na may plano sila na magbukas ng smart station sa lahat ng lugar sa Dubai.

Aniya, ginawa ang mga smart police stations dahil kadalasan daw ay ayaw ng mga tao na mag-report ng krimen dahil nakokompromiso ang kanilang privacy.

Simple lang umano gamitin ang smart police station. Pagdating doon ay kailangan lang kumuha ng numero at hintayin iyon na tawagin upang mapagsilbihan. At habang naghihintay ay maaaring maglaro ng “safety driving” game upang magpalipas ng oras.

Isang electronic board naman na nasa loob ng isang pribadong silid ang maaaring gamitin ng publiko kung nais makausap sa pamamagitan ng video conference ang isang police officer na online 24 oras.

maaaring maglaro ng safety driving game habang naghihintay sa loob ng smart police station
Maaaring maglaro ng safety driving game habang naghihintay sa loob ng smart police station.
Maaari ring makausap ang isang police officer sa pamamagitan ng video conference
Maaari ring makausap ang isang police officer sa pamamagitan ng video conference