‘Kung itutuloy ang modernization program ng gobyerno, asahan pa ang maraming tigil-pasada’ – PISTON

Imahe mula sa video ng Interaksyon via You Tube

Hindi titigil ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON sa pagsasagawa ng mga tigil-pasada kung itutuloy ng gobyerno ang pagpapatupad ng jeepney modernization program; ito ay ayon kay PISTON national president George San Mateo.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sinabi ni San Mateo na hindi sila ang natatalo sa kanilang ginagawang tigil-pasada.

Ani San Mateo, dahil lamang sa kanilang kilos protesta, nagkakansela ang gobyerno ng klase at pasok sa opisina.

Para sa Pangulo ng PISTON, hindi nila problema ang pagkakansela ng mga pasok sa paaralan at opisina kundi problema ito ng pamahalaan.

Paglilinaw pa nito, hindi sila salungat sa modernization program, kundi ito’y “unjust” o hindi makatarungang plano na posibleng pag-alis sa pangkabuhayan ng aabot sa 600,000 na tsuper at 300,000 na operators.

Kaya naman kung pipilitin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng modernization program ay patuloy silang magkakasa ng mga transport strike sa susunod pang mga araw o buwan.

Oktubre 16-17 nang ideklara ng Malacañang na suspendido ang klase sa lahat ng antas at wala ring pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.

Samantala hinihikayat ni Una Ang Edukasyon Party-list Rep. Salvador Belaro Jr. ang mga drayber at operators na maging bukas sa Jeepney modernization program.

Pinag-aaralan namang sampahan ng kasong economic sabotage ng Department of Transportation (DOTr) ang grupong PISTON dahil maraming negosyong naapektuhan ng tigil-pasada.

Nauna nang sinampahan si San Mateo ng kasong paglabag sa public service law kaugnay sa inilunsad niyang jeepney strike noong Pebrero.