Lacson: Impeachment ni Bautista, mistulang ‘minadali’ sa Kamara

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Mistulang may usapan at minadali ng Kamara ang reklamong impeachment laban kay Comelec chairman Andres Bautista; ito ang paniniwala ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Wika ni Lacson, mukhang may nangyaring negosasyon sa pagitan ng pamunuan ng Mababang Kapulungan at ni Bautista na nauwi sa pagbibitiw sa puwesto ng huli.

“Kung ako mag-a-analyze ‘no, mukhang merong nangyari in between eh. Merong usapan si Chair Bautista and the House leadership na sige ‘wag n’yo na lang ako i-impeach sa House magre-resign ako,” paliwanag ng mambabatas sa isang panayam sa “Headstart”.

“Yung minadali ‘yung impeachment sa House, overturning even the justice committee recommendation mukhang merong dynamics, mukhang may usapan sila,” anito.

Subalit mukhang medyo “late” na umano ang pagsasapubliko ni Bautista ng kaniyang resignation at wala nang oras ang mga mambabatas dahil huling araw na ng session ng mga ito nang ianunsyo ng Comelec chairman ang kaniyang desisyon.

Dahil dito, napilitan umano ang Kamara na ituloy ang impeachment laban kay Baustista.

Mahigpit namang pinabulaanan ni Bautista na may nangyaring usapan sa pagitan ng kaniyang kampo at mga mambabatas sa Mababang Kapulungan.

Ayon naman kay House Deputy Minority Leader at Kabayan Party-list Rep. Harry Roque, na siyang nag-endorso ng impeachment, naniniwala siyang hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kaalyado sa Kamara na mabasura ang impeachment ni Bautista kung sakaling may alam siya tungkol dito.

“I felt that the President was so serious about his anti-corruption drive that I couldn’t accept or even imagine Congress rejecting a complaint based substantially that he committed serious acts of graft and corruption on the basis that there was wrong verification,” ani Roque sa isang hiwalay na panayam.

Samantala, itutuloy umano ng Senado ang pagdinig sa reklamo laban kay Bautista sakaling maiakyat ito sa kanila sa susunod na buwan, ayon kay Lacson.