Lacson may duda sa P900-M na alokasyon para sa 100-meter na daan sa NE

Image from Sen. Lacson's Facebook account

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi kumbinsido si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa nakuhang paliwanag para sa P900-M na alokasyon sa 100-metro na kalsada sa Nueva Ecija.

Sa ginawang pagdinig sa Senado ng 2018 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kinuwestiyon ni Lacson ang paglalaan ngayong taon ng P300-M para sa isang bahagi ng Maharlika Road sa Barangay Putlan sa bayan ng Carranglan.

Noong 2016 at 2017, nakatanggap na ang nasabing proyekto ng P300-M kada taon at muling tatanggap ng kaparehong halaga mula sa 2018 budget ng DPWH.

Kung pag-aaralan umano, halos P3-M ang halaga kada metro ng naturang kalsada.

“Doon sa pinakamatangkad kong staff sa opisina, isang hakbang lang niya ‘yung one meter eh,” ani Lacson.

Sinabi rin ng mambabatas na pinainspeksyon niya ang naturang lugar at mayroon itong slope na 20 hanggang 40 metro pataas, at 150 hanggang 200 metro pababa.

Lumalabas sa kalkulasyon, ayon pa sa senador, na ang area nito at 24,000 square meters; at sa halagang P900-M na inilaan dito, aabot sa P37,500 ang halaga kada metro kuwadrado.

Subalit agad namang nilinaw ni Senador Loren Legarda, ang sponsor ng 2018 budget proposal, na ang kabuuang area ng proyekto ay 40,000 square meters at ito ay isang “multi-year funding”.

Kasama rin umano sa budget ang “slope protection” dahil hindi ito isang ordinaryong kalsada, bukod pa sa nasa bulubundukin at delikadong lugar ito.

Sa kabila ng paliwanag ni Legarda, hindi pa rin kumbinsido si Lacson.

 “I think we deserve a better explanation than that,” aniya.