Lider ng Aegis Juris fraternity, na-detain sa Senado matapos ma-contempt

Image from Senate Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Pansamantalang madedetine sa Senado ang sinasabing presidente ng Aegis Juris fraternity na si Arvin Balag matapos itong i-cite for contempt dahil sa patuloy na pagtangging sagutin ang mga katanungan sa ginaganap na pagdinig sa Senado.

Si Balag ay kasama sa 17 miyembro ng Aegis Juris na sinampahan ng kaso ng mga magulang ni Horacio Tomas Castillo III, ang 22-anyos na Law student ng University of Santo Tomas na napatay umano dahil sa hazing.’

Tila napundi ang ilang senador kay Balag dahil patuloy itong tumatanggi na sagutin ang kanilang katanungan sa pamamagitan ng pag-invoke ng “right against self-incrimination”.

“Don’t force us…huwag mong i-irritate ‘yung mga members  dito.  A very simple question of your position and you’re invoking your right against self-incrimination? Come on,” ang naging babala ni Senador Panfilo Lacson kay Balag nang sa ikalawang beses ay tumanggi itong sumagot sa katanungan ni Senador Grace Poe.

Ang gusto lang namang malaman sana ng mga senador ay ang kanyang position sa fraternity subalit tumanggi pa rin si Balag na sagutin ito.

“Ni pagiging miyembro hindi mo aaminin? Anong klaseng leader ka ng iyong fraternity? Makakasama sa frat ‘yan…’Yan ang leader ninyo o,” ani Poe.

Dahil dito, napilitan si Poe na i-cite fro contempt si Balag, na agad naman sinegundahan ni Senador Juan Miguel Zubiri.

Testimoniya ni Solano

Samantala, tuluyan nang isinapubliko ng Senado ang testimonya ni John Paul Solano na ginawa sa isang closed-door session noong Setyembre 25.

Sa naturang testimonya, inamin ni Solano na si Balag ang nag-utos sa kanilang mga ka-frat na dalhin sa Chinese General Hospital si Castillo, sa halip na sa UST Hospital na malapit lang sana.

SI Balag din umano ang nagsabi kung ano ang idadahilan sa ospital kapag mayroong nagtanong tungkol kay Castillo.

“Sabi ni Arvin Balag, ‘Sabihin mo napulot mo sa Balut, Tondo,” anang testimonya ni Solano.

“Tinanong ko si Arvin, sabi ko ‘Brod kailangan daw may maiwan.’ Sabi niya, ‘Ikaw na maiwan. Alangan namang kami,” dagdag pa nito.