Lorenzana, kinumpirma na isang babaeng bihag ang nagbigay ng info sa kinalalagyan nina Isnilon Hapilon at Omar Maute

Image from PNA

Pinatotohanan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na isang babaeng bihag ang nagbigay ng impormasyon sa pinagtataguan nina Isnilon Hapilon at Omar Maute na naging dahilan sa pagkapaslang ng dalawa.

Ayon sa panayam kay Defense secretary, tinukoy ng nasabing bihag na nakatakas noong Linggo ang partikular na lugar kung saan nagtatago ang dalawang lider ng teroristang pangkat.

Tumanggi naman si Lorenzana na pangalanan ang nakatakas na bihag, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Sa kasalukuyan, nasa poder ng militar ang nasabing bihag at patuloy itong sumasailalim sa tactical debriefing.

Samantala, mayroong monetary reward mula sa US FBI kapalit ng ulo ni Hapilon na nasa $5-milyon.

Naglaan naman ng P10 milyon reward si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pag-neutralize kay Hapilon. Bukod pa ito sa existing na reward sa DND-DILG na nasa P7.4 milyon.

Mayroon namang tig-P5 milyon na patong sa ulo ang Maute brothers na sina Abdullah at Omar.

May posibilidad naman na sa nakatakas na babaeng bihag mapunta ang reward money na nakapatong sa ulo nina Isnilon at Omar.

Ayon kay Lorenzana, napakalaking halaga ang naghihintay para sa informant.

Sa inisyal na ulat ng Balita DF, pinuri ng Malacañang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa matagumpay nitong operasyon.

Ani Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, patunay lamang ito na nagtagumpay ang pamahalaan laban sa terorismo.