Makaraang ibasura ng CA ang appointment ni Ubial, susunod na DOH Secretary dapat isang exceptional doctor

Imahe mula sa Rappler video via You Tube

Isang exceptional doctor ang dapat ipalit kay outgoing Health Secretary Paulyn Ubial; ito ay ayon kay Deputy Minority Leader Harry Roque.

Nitong Oktubre 10, ibinasura ng Commission on Appointment ang appointment ni Ubial makaraang makakuha ng 13 ‘no votes’.

Ayon sa ulat ng RMN, sinabi ni Roque na dapat ay isang subok na doktor at may managerial skills ang susunod na italaga sa DOH.

Wika pa ni Roque, nakasalalay sa kamay ng susunod na DOH chief ang tagumpay ng universal health care at iba pang reporma sa sektor pangkalusugan.

Saad pa ng mambabatas, ang hindi pagkumpirma kay Ubial ay nangangahulugang nakaligtas na ang bansa sa major public health disaster.

Umaasa si Roque na hindi na magkakamali ang Pangulo sa pagtatalaga ng susunod na kalihim ng DOH.

Si Roque ay kabilang sa humarap sa nominasyon ni Ubial sa Commission on Appointments.

Si Ubial ang ikalimang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na na-reject ng CA. Sina Perfecto Yasay (DFA); Gina Lopez  (DENR); Judy Taguiwalo (DSWD); at Rafael Mariano (DAR).