Malacañang  sa mataas na trust rating ng war on drugs: ‘Patunay na pinahahalagahan ng tao ang pamahalaan’

File photo

Labis na ikinatuwa ng Malacañang ang mataas na rating na ibinigay ng mga Pilipino sa administrasyong Duterte partikular sa war on drugs.

Ayon sa ulat ng PhilStar, sa resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Setyembre 24-30, lumabas na 88 percent ng mga Pilipino ang sumusuporta sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa 1,200 respondents, 2% dito ang nagsabing hindi nila ito suportado, habang 9% ang undecided.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ito’y patunay lamang na pinahahalagahan ng mga mamamayan ang ginagawa ng pamahalaan na labanan ang kriminalidad sa bansa at siguruhing ligtas ang bawat Pilipino.

Samantala, sa kabila ng mataas na rating ng war on drugs, tumaas naman ang bilang ng mga naniniwalang may extrajudicial killing (EJK) na nagaganap sa war on drugs.

Nasa 73% ang nagsabing nagaganap ang EJK, mas mataas ng anim na puntos kumpara sa nakaraang survey noong Hunyo.

Nasa 20% naman ang naniniwalang walang EJK at 7% ang hindi tumugon.

Para kay Abella, media ang dahilan kung bakit nasa 73% o pito sa bawat sampung Pilipino ang naniniwala na may nagaganap na EJK sa mga operasyon kontra drug war.

Saad pa nito, ganito ang  resulta ng survey dahil sa pagtutok ng media sa mga naganap na patayan sa Caloocan kasabay ng panahon kung kailan isinagawa ang survey.

Sa kabila ng mataas na trust rating ng mga Pilipino sa war on drugs muling  itinalaga ni Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang siyang mangungunang ahensiya sa drug war operations at inalis sa PNP at iba pang law enforcement agency ang awtoridad dito.