Malacañang sa mga natitirang terorista: Sumuko na kayo!

File photo

“SUMUKO NA KAYO!”

Matapos mapatay ng militar ang dalawang lider ng Maute-ISIS na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute ay hinihikayat naman ng Palasyo ang mga natitirang terorista sa Marawi na sumuko na lamang sa awtoridad.

Sa pahayag ni Presidential spokesman Ernesto Abella, mas mainam na itigil na ng mga natitirang terorista ang pakikipagbakbakan upang magkaroon na ng kapayapaan sa lungsod at maisulong na ang muling pagbangon ng Marawi.

Wika pa ni Abella, nakabantay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa iba pang pook sa Mindanao na maaaring pagmulan ng panibagong pag-atake ng mga sympathizer ng Maute-ISIS at pati na rin ang iba pang natitirang galamay ng mga ito, ayon sa ulat ng Abante TNT.

Aniya: “With terrorist leaders gone, we call on all fighters to cease further resistance and violence and return to the road of peace. This is also the call of our Muslim leaders, our imams, ARMM, MNLF, MILF chiefs, and the leaders of Muslim nations and this is the plea of your families, friends, and communities.”

Sa naging pahayag naman ni AFP spokesman Major General Restituto Padilla sa naganap na Mindanao Hour sa Palasyo, nasa 20-30 pa ang mga terorista na nasa Marawi kasama na rito ang nasa anim hanggang walong dayuhan.

Ani Padilla, target ngayon ng militar ang pagtugis kay Malaysian Mahmud Ahmad.

Si Ahmad ay pinaniniwalaang nagpondo sa pag-atake sa lungsod at nakapagpadala ng aabot sa US$300,000 hanggang US$600,000.

Ani AFP spokesman: “Mahmud remains one of our high-value targets in the operations being conducted.”

Dagdag pa niya: “Troops were fighting in a zone comprising about 60 to 80 buildings in the ruined city. We are focused on a ground offensive because the fighting is too close.”