Mansanas na hindi agad nagkukulay brown kapag hiniwa, naimbento sa Canada

Image from Okanagan Specialty Fruits

Isang kumpanya sa Canada ang nakaimbento ng mansanas na hindi agad nagbabago ang kulay ng laman kapag ito ay hiniwa o kinagat. Tinawag nila ang mansanas na “Arctic Apples,”  ang kauna-unahang genetically engineered apples.

Ang mga mansanas ay may enzyme na kung tawagin ay polyphenol oxidase (PPO) na nagre-react sa oxygen mula sa hangin at doon na nagsisimula na magkulay brown ang laman nito.

Karaniwan sa mga halaman ang PPO enzyme at iyon din ang dahilan kung bakit ang saging, peras at maging ang patatas ay nagkukulay brown ang laman kapag hiniwa at nahantad sa hangin.

Ayon sa Gizmodo, sinabi ni Neal Carter, presidente ng Okanagan Specialty Fruits na nakaimbento ng nasabing mansanas, ginawa nila iyon bilang paraan upang madagdagan ang pagkonsumo ng mga mansanas at mabawasan ang mansanas na napupunta lang sa basura.

Kwento ng isang sumubok ng Arctic Apple, hiniwa niya ito at iniwan sa loob ng refrigerator sa loob ng ilang araw. Aniya, noong ikalimang araw lang nagsisimula na magkaroon ng kaunting pagbabago ng kulay sa laman ng mansanas.

Ang karaniwang mansanas ay nagkukulay brown ang laman ilang saglit lang matapos itong hiwain.

Ang Arctic Apples ay mabibili na sa mga mahigit 400 supermarkets sa Estados Unidos simula sa Nobyembre 2017.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Gizmodo, Inhabitat, IFLScience