Mga napaslang na lider ng terorista, tinangkang abandonahin ang kanilang mga tauhan – AFP

Image capture from ABS-CBN News video/ Maharlika Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa mga huling sandali ng kanilang pagtatangkang makaligtas, sinubukan umanong iwanan at abandunahin nina Isnilon Hapilon at Omar Maute ang kanilang mga kasamahan, subalit maging ang dalawang lider ng terorista ay hindi pinalad na mabuhay.

Ganito isinalarawan ni Major Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang mga huling pangyayari na nauwi sa pagkakapaslang ng military kina Isnilon at Maute noong Lunes ng umaga.

Ayon kay Padilla, nagkaroon sila ng bentahe dahil sa mga impormasyong ibinigay ng isang dating bihag na babae tungkol sa gusaling kinaroroonan ng mga bandido.

“The building was about 2 or 3-story building, located near the corner towards the lake and the last bridge that we were able to take,” ani Padilla sa panayam ng Headstart.

Subalit dahil may ilan pang mga kasamahan sina Isnilon at Maute, bukod sa ilang bihag na hawak pa ng mga ito, kailangan nilang maging maingat pa rin sa nasabing operasyon na nagsimula Linggo ng gabi pa.

“They had to be smoked out, they had to be staked out. Kasi, it had to be a slow process. We cannot force the issue because they might be able to escape again,” kuwento ng opisyal.

Maliban umano kay Isnilon at Hapilon, mayroon pang 7 terorista na napatay sa nasabing operasyon at ito ay ang mga security detail ng dalawa.

Madali ring nakilala ng mga sundalo si Omar Maute dahil alam nilang sugatan ito at nahihirapang maglakad.

Ayon pa kay Padilla, hindi naging madali ang kamatayan ng dalawang terorista dahil nagtatangka ang mga itong tumakas at iwanan ang kanilang mga kasamahan nang mahagip ng mga bala.

“The circumstances of their death [was] not a good one. They were in the process of abandoning their friends, their colleagues who were left in the battlefield. In fact, they were escaping towards the lake when they were neutralized,” ani Padilla.

Si Maute umano ay tinamaan sa ulo na siyang ikinamatay nito, habang si Isnilon naman ay sinubukan pang lumaban subalit tinamaan din sa dibdib.

Panayam ng Headstart kay Maj. Gen. Padilla: