‘Mga opisyal na arogante, manhid, walang pakialam at PNP, mga dahilan ng pagbaba ng ratings ni Duterte’ – Escudero

Public domain

Ang mga arogante, manhid at walang pakialam na mga opisyal ng kanyang Gabinete, gayundin ang Philippine National Police, ang dahilan ng pagbaba ng ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte; ito ay ayon kay Senador Francis ‘Chiz’ Escudero.

Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station, bumaba ang trust at satisfaction rating ni Pangulong Duterte.

Ayon sa ulat ng RMN, sinabi ni Escudero na hudyat ito upang  tugunan ng mga opisyal ang kanilang mga pagkakamali.

Saad ng Senador, dapat na umanong baguhin ang pagiging arogante at ang kawalan ng pakialam ng ilang mga opisyal ng gobyerno lalo na sa mga isyu na may kinalaman sa laban sa droga.

Wika pa nito, dapat mas maging sensitibo ang pamahalaan lalo na sa buhay ng ating mga kababayan na sangkot sa droga, tulak man ang mga ito o hindi.

Paalala pa ng Senador, na sa isang demokratikong lipunan, ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat panatilihin ang kababaang loob  sapagkat  hindi permanente at darating din ang katapusan ng kanilang tungkulin.

Samantala, inaasahan na umano ng palasyo ang pagbagsak ng net satisfaction at trust rating ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Palace Communications Secretary Martin Andanar, tapos na ang “honeymoon period” ng pamahalaan sa publiko na kadalasang tumatagal lamang ng isang taon.