Minorya ng Senado, naniniwala na maaari pang magbago ang ruling ng SC hinggil sa pagbasura ng petisyon ni De Lima

File photo

Naniniwala umano ang minorya ng Senado na maaari pang magbago ang ruling ng Supreme Court (SC) hinggil sa pagbasura sa petisyon ni Senador Leila De Lima kaugnay sa kanyang pagkakaaresto na inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).

Ani Senate Minority Leader Franklin Drilon, puwede pang magsumite ng motion for reconsideration si De Lima para mabaligtad ang naging resolusyon ng SC justices.

Paliwanag ni Drilon, kailangan lang na makapaglahad ng matibay na argumento si De Lima upang makumbinsi ang mga mahistrado na baguhin ang kanilang naging desisyon hinggil sa pagbasura ng petisyon ni De Lima.

Tuloy naman ang pagsuporta nina Senador Risa Hontiveros at Senador Bam Aquino kay De Lima.

Naniniwala naman si Senador Antonio Trillanes na ang naging desisyon ng SC ay dahil sa kontrolado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong sangay ng gobyerno, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Sa inisyal na ulat ng Balita DF, tumutol ang mayorya ng mga mahistrado sa petisyon ni De Lima na may botong 9-6 na kumukuwestyon sa hurisdiksyon ng Muntinlupa RTC na duminig sa drug cases na isinampa laban sa kanya.

Ayon naman kay Senador Francis Pangilinan, iginagalang ng minorya ang naging pasya ng mga mahistrado ng SC, subalit naniniwala sila na ang Ombudsman ang dapat na humawak sa kaso ng nakapiit na senador.