Pabuya sa pagkakapaslang kina Hapilon, Omar Maute hindi pa malinaw kung sino ang tatanggap

Public domain

Hindi pa matukoy ng Armed Forces of the Philippines kung kanino mapupunta ang pabuya sa dalawang napatay na lider ng Maute-ISIS Group; ito ay ayon kay AFP Brig. Gen. Restituto Padilla.

Ayon sa ulat ng RMN, sinabi ni Padilla na 5 million dolyar ang pabuya kay Isnilon Hapilon habang 10 million piso naman ang patong sa ulo ni Omar Maute.

Nitong Oktubre 16, kinumpirma ni AFP chief of staff Eduardo Año ang pagkamatay nina Isnilon Hapilon at Omar Maute na kabilang sa 9 na teroristang napatay sa pagitan ng 2:00 a.m. hanggang 6:00 a.m. sa Marawi City.

Ayon kay Padilla, ginawa lamang ng mga sundalo ang kanilang tungkulin upang mailigtas ang mga bihag at hindi iniisip ang pabuya.

Hindi naman masabi ni Padilla kung sino ang dapat na tumanggap ng pabuya. Sa militar na nakapatay kina Maute at Hapilo, sa mga pulis o sa nakapagturo kung saan nagtatago ang mga lider na terorista.

Samantala nakatuon ngayon ang gobyerno sa rehabilitasyon at rekonstruksyon sa Marawi sa oras na matapos ang clearing operations ng tropang militar upang maging kabahagi na ang lungsod sa patuloy  na pag-unlad ng buong bansa.

Pinuri naman ng Estados Unidos ang mga sundalong Pinoy sa pagkakapaslang nina Hapilon at Omar Maute.

Source :

RMN, Bombo Radyo, GMA