Pagbasura ng SC sa petisyon ni De Lima patunay na hindi lamang mahihirap ang target ng war on drugs

Image from Leila De Lima's Facebook account

No one is above the law!

Ito ang pinatunayan ng pagbasura ng Korte Suprema sa kahilingan ni Senador Leila De Lima na ibasura ang mga kaso kaugnay sa pagkakasangkot niya sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid prison; ito ay ayon kay Solicitor General Jose Calida.

Nitong Oktubre 10, sa botong 9-6, ibinasura ng Korte ang petisyon ni De Lima na ipawalang bisa ang kanyang pagkakaaresto sa isa sa tatlong kasong may kaugnayan sa droga na isinampa laban sa kanya  dahil sa kakulangan ng merit nito.

Ikinatuwa naman ni  Calida ang naging desisyong ito ng  Korte Suprema.

Sa ulat ng Radyo Inquirer,  sinabi ni Calida,  salungat  ito sa tinawag na “maling paniniwala” ng Senador na mahihirap lamang ang target ng war on drugs ni Duterte.

Samantala pinayuhan naman ni Senador Franklin Drilon si De Lima na maghain ng motion for reconsideration upang mabaligtad ang naunang resolusyon ng mga mahistrado.

Umaasa naman si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre na maitatakda na ang arraignment o pagbasa ng sakdal laban kay De Lima.

Wika ni Aguirre,  dahil sa nakabinbing petisyon ni De Lima sa Supreme Court (SC) ay hindi maitakda ang pagbasa ng sakdal sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 sa ilalim ni Presiding Judge Juanita Guerrero.