Pagtanggap ng P100K na insentibo ng mga edad 90 pataas isinusulong

Mga imahe mula sa Lito Atienza at Buhay Party-list FB pages.

Nais ng isang party-list lawmaker sa kanyang hinain na proposal na ibaba ang age requirement ng mga makatatanggap ng P100, 000 cash incentive at karagdagang benepisyo para sa mga senior citizen sa bansa.

Ang proposal na ito ay nilikha ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kasabay ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week.

Batay sa ulat ng GMA News, sinabi ni Atienza sa isang plenary session sa House of Representatives na ang mga tutungtong sa edad na 90 ay dapat nang makatanggap ng P100, 000 cash mula sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan, tanging mga nasa edad na 100 pataas lamang ang nakatatanggap ng insentibo.

“Kaya kung mamarapatin ninyo, ibaba natin ang edad ng benepisyo. 90 anyos, P100,000 ang ibigay sa kanila. Gusto nating pakinabangan nila ang salaping ito,” saad ng Buhay party-list representative.

Iginiit ni Atienza na ang insentibo ay hindi nakakamit ng maraming Pilipino dahil karamihan ay hindi na umaabot sa itinakdang edad ng batas.

“Kung mamarapatin ninyo, ibaba natin ang edad ng mabibigyan ng pabuya. Ibigay natin habang sila ay buhay pa,” sabi niya.

Sa pagsasaliksik umano ni Atienza, tanging nasa 2,000 mula sa 3,900 centenarians ang nakatatanggap ng P100,000 na insentibo.

“Why? Marami sa kanila nakaratay na sa banig. Palagay ko pangkaraniwan ay 100 taon, nakahiga na. Papupuntahin sa munisipyo, hindi na makakalakad. Ayaw namang ibigay sa mga kamag-anak,” giit niya.

Bukod pa rito, kasama rin sa kanyang proposal ang bigyan ng 50 poryesntong diskuwento sa airfare ang mga senior citizen.

Sinang-ayunan naman Senior Citizen party-list Representative Francisco Datol Jr. ang proposal ni Atienza.