Palasyo may paliwanag sa pagbaba ng satisfaction ratings ni Pangulong Duterte

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi nababahala ang Malakanyang sa kabila ng pagbaba ng satisfaction ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte base sa pinakabagong survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, inaasahan na nila ang pagbaba ng satisfaction ratings ng Pangulo dahil natapos na ang “honeymoon period” ng termino ni Duterte sa nakalipas na isang taon.

“The Social Weathers Stations third quarter survey show PRRD’s satisfaction rating at 67 percent and trust rating at 73 percent. The change in the President’s satisfaction rating from 78 percent in June to 67 percent in September and trust rating of 82 percent in June to 73 percent in September is expected given the fact that people’s start measuring their expectations usually after the honeymoon period or after a year in office,” ani Abella sa isang pahayag.

Ganunpaman, kumpiyansa pa rin umano si Duterte sa kaniyang mandato dahil nananatiling nasa “good” ang ratings nito base sa pinakahuling survey ng SWS na ginawa mula Setyembre 23 hanggang 27.

Bumagsak ng +18 ang net public satisfaction ratings ng Pangulo, +48 mula sa +66 noong Hunyo; habang ang kaniyang trust ratings ay bumaba rin sa +60 mula sa +75.

Ayon naman kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, hindi nababahala si Duterte sa pinakahuling numero ng SWS, dahil hindi naman sumali sa isang ‘popularity contest’ ang Pangulo.

Subalit inamin din ng opisyal na posibleng naapektuhan ang ratings ni Duterte ng kaso  ni Kian Delos Santos, ang 17-anyos na estudyanteng napatay ng mga pulis-Caloocan noong Hulyo.

Sa kabila nito, dinepensahan pa rin ni Panelo ang ‘war on drugs’ ng administrasyon at sinabing noon pa man ay nagpaaalala na ang Pangulo na magiging madugo ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

“Even at the start, if you remember, when he was campaigning for the presidency he was the only candidate who campaigned against himself,” ayon kay Panelo.