Palasyo nakiramay sa pagpanaw ni Cebu Arch. Cardinal Vidal

Image from President Rodrigo "Rody" Duterte Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Nagpahayag ng pakikiramay ang Malakanyang sa pagpanaw ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal na sumakabilang-buhay na sa edad na 86 anyos.

Si Cardinal Vidal ay pumanaw nitong Miyerkules ng umaga, ika-18 ng Oktubre, pasado alas-7; isang linggo matapos isugod sa Perpetual Succor Hospital  sa Cebu City dahil sa sakit na pulmonya.

“The Palace condoles with the Cebu faithful on the demise of Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal this morning,” ani Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa isang pahayag.

Ayon kay Abella, sina Vidal at Pangulong Rodrigo Duterte ay may magandang relasyon at dinalaw pa ng namayapang arsobispo ang presidente sa Malakanyang noong nakaraang taon.

“The good cardinal paid a courtesy call to Malacanan shortly after PRRD assumed office and assured the Chief Executive of his fervent prayers for him and his administration,” ani Abella.

“We are thankful for the kind bishop’s pastoral role of the Catholic faithful,” dagdag pa ng opisyal.

Si Vidal ay naging arsobispo ng Cebu sa loob ng 29 taon bago ito nagretiro noong 2011.

Siya ay isa sa itinuturing na may pinakamakapangyarihang boses sa Simbahang Katoliko at minsan ay naging pangulo ng  Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Kasama ng namayapang si Archbishop of Manila Jaime Cardinal Sin, sila ay aktibong sumuporta sa pagpapatalsik noon sa dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution.

Muli itong naulit nang manawagan si Vidal sa pagpapatalsik naman kay dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001.