Panelo sa mga kritiko ni Duterte: Maaari n’yo siyang kasuhan pagkatapos ng termino niya

Mga imahe mula sa Secretary Salvador Panelo at President Rodrigo Duterte Supporters Facebook pages.

Kailangan umanong maghintay ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na matapos ang kanyang termino bago nila ito makakasuhan sa kanyang umano’y nakaw na yaman.

Ito ang paalala ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo kamakailan sa mga kritiko ng pangulo.

Batay sa isang artikulo ni Genalyn Kabiling ng Manila Bulletin, sinabi ni Panelo na ang imbestigasyon ng Ombudsman sa bank records ng pangulo ay lumilihis sa doktrina ng presidential immunity mula sa mga kaso.  

Gayun din, sinabi ng opisyal ng Palasyo na kahit iniimbestigahan ng Ombudsman ang pangulo para sa pag-file ng impeachment, hindi naman umano ito uusad dahil sa kasalukuyan ay hindi ito sinusuportahan ng konstitusyon. Sa ilalim ng konstitusyon, ang kasalukuyang nakaupong pangulo ay hindi puwedeng kasuhan.

“You can sue him for graft when he steps down as President,” saad ni Panelo sa isang panayam sa mga mamamahayag sa Palasyo.

[Maaari ninyo siyang kasuhan ng graft kapag bumaba na siya sa kanyang puwesto bilang pangulo.]

“He cannot be investigated now as President for acts committed by him when he was mayor,” dagdag pa niya.

[Hindi siya maaring imbestigahan bilang pangulo sa mga bagay na ginawa niya noong mayor pa lamang siya.]

Matatandaan na inakusahan ni Sen. Antonio Trillanes si Pangulong Duterte ng pagkakaroon ng P2 billion mula 2006 hanggang 2015. Ang yamang ito umano ay nabigong ideklara ng pangulo sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).